Friday, March 25, 2005

Image hosted by Photobucket.com

May pagkabastos naman talaga ‘yung anak ko, aminado ako dun. Tinatawag kami ng ama niya sa mga palayaw lang namin (Masarap namang pakinggan, kung tutuusin). Hindi uso sa bahay ang “po” at “opo” at pagmamano (Sabagay, pauso lang naman ito ng mga Kastilang prayle para lalong idiin ang kanilang kapangyarihan). Bigla na lang niyang tinanong sa isang kapitbahay, “Bading ka ba?” (Pero babae ang kapitbahay, medyo malaki nga lang ang kaha.) Bigla na lang niyang tinanong ang ninang niya, “Nagda-drugs ka ano?” (A, e…)

Sabi nga nila, karma mo ang (mga) anak mo.

Simula pa lang nang madiskubre ko ang katwiran, tumawid na ako sa bawal. O mas eksakto, nahilig ako sa bawal. O sige, sa pinakawalang stir, may panahong naging bisyo ko na ata ang gumawa ng mga bagay na bawal.

Magsimula tayo sa simpleng pagmumura, bawal ‘yun. Tapos, shoplifting. Pag-uwi ng madaling araw o umaga na (Kababae mong tao). Alcohol, marijuana, at pambababoy sa pambansang kanta. Seks bago kasal. Pagsasama bago kasal. Pakornihan na – bawal na pag-ibig. At bawal na bunga ng bawal na pag-iibigang iyon. Pananakit sa iba, pananakit sa sarili. Pagsisinungaling. Pagbulalas ng masakit na katotohanan. Wala pa ito sa kalingkingan ng listahan, edited out na ‘yung mga pipitsugin at mabababaw, at huwag na nating isama ang Diyos sa usapan.

Pagtayo sa gilid ng bangin. Pag-abante kahit red light. Bawal ang mga bagong ideya, lalo na ‘yung mga ideyang nagpapauga ng sistema. Tulad ng paniniwala sa paghawak ng armas para sa pagbabago. Sa mga kampante nang nakaposisyon sa kanilang kinalalagyan, malaking bawal ang pagbabago – at nakikiisa ako sa ipinagbabawal na pagkilos para sa pagbabagong matagal nang inaasam ng nakararami.

Masarap ang bawal – parang kantang pang-jukebox. At tulad ng lahat ng mga bagay na masasarap, tulad ng karamihan sa mga pagkakataong pinagbibigyan ko ang sarili, lagi’t laging may kapalit. Trobol pare. Mapapagalitan ako. O kaya’y mapapagalitan ko ang sarili ko. Susuway ako, makakasakit, lalo na sa mga taong pinakamahalaga sa buhay ko. Itatanggi ko, o pangangatawanan ko. Gugustuhin ko nang magpatiwakal. O kaya, mararamdaman ko ang pagkabuhay kong muli.

Sa bansang huli, isa lang ang batas ng bawal: Walang sisihan. Dahil ang paggawa ng bawal ay pagpanig. At pagkitil sa kabilang hindi mo pinili. At itinuro sa akin ng karanasan, ang konsepto ng bawal ay magkabilaang talas ng punyal: magkatuwang ang katangian ng sarap at subersyon. Pag tinataya mong gumawa ng bagay na bawal, binabangga mo ang normal na daloy – nagtatawag ka ng pagbabago, hinahamon mo ang status quo, nagtatanong ka, isa kang subersibo. At bawal ang subersibo.

Sa pagtatapos ng araw, uuwi akong hapo. Nakakapagod naman talagang tumayo sa gitna ng highway at harapin ang humahagibis na trapiko. Hinihingal akong hihiga sa kama, sa tabi ng anak ko at ng kanyang ama. Matutulog kaming nakadantay sila sa magkabilaan ng aking dibdib. Unti-unting papanaw ang aking pagod. Ilang oras na lang ay mag-uumaga na at magsisimula na naman ang pangaraw-araw na pakikibaka. Kung bawal maging tahimik at payapa ng ganito sa isang maikling sandali lang, handa akong magkasala.

-- Isinulat ko mga tatlong taon na siguro nakalipas. Hindi pa nag-aaral si Anton noon. Nag-aaral pa ko noon.

7 Comments:

At April 26, 2005 7:26 AM, Anonymous Anonymous ay nagsabing...

hi, mother. hindi pa rin maayos ang mga bagay. nakaamba pa rin ang pag-alis. pero dahan-dahan nang nine-negotiate ang kapayapaan dito. da, wala talaga akong kapera-pera para magbukod. nalulungkot ako. for that, baka magtiis na lang muna ako.

 
At April 26, 2005 12:19 PM, Blogger anamorayta ay nagsabing...

siri, in-email kita kahapon at tinext.handa nman ako, kami, tumulong.mahirap at nakakatakot naman talaga magsimula nang walang-wala.hindi lang sa usaping pinansiyal,nakakatulong din ngang may semblance ng kontrol.pwede naman nating pagtulungan ang pagsstart over, kung iyon ang gusto mo.pero kung desisyon mo rin ngayon na subukin muna muli, andito pa rin naman ako madz.

 
At April 29, 2005 10:53 PM, Blogger gingmaganda ay nagsabing...

hehehe sarap gumawa ng bawal pero nahanap na ako ng taong sasaway sa akin. ayan, sa wakas, balanse na ang pag-iral at pamumuhay. :-)

 
At May 03, 2005 5:28 PM, Blogger anamorayta ay nagsabing...

hi ging!
masaya ako para sa iyo. masarap naman talagang magpasaway minsan..lalo na kung may sasaway :)

 
At May 07, 2005 11:34 AM, Blogger gingmaganda ay nagsabing...

hai, da! sarap maging salbahe lalo na kung alam mong maski gaano ka maging salbahe... di ka pa rin iiwanan. pero di ko naman inaabuso ang privilege na yun. naalala ko tuloy ang fellowship topic ni sir roland na "ano ang masarap gawin na bawal?" hahaha

 
At May 16, 2005 6:56 PM, Blogger Overratedbitch ay nagsabing...

masarap ang bawal. pero hindi komo bawal, madali o malayang magagawa. kainis. ako nga, walang magawang bawal. *sniff*

***parang ayoko munang makita ang anakis mo. baka kung ano itanong sa 'kin. akreyd!

 
At May 17, 2005 4:29 PM, Blogger anamorayta ay nagsabing...

"ako nga walang magawang bawal"
-- issey

assuss....
hehe

 

Post a Comment

<< Home


Image hosted by Photobucket.com