Monday, December 20, 2004

Paumanhin

Nahihirapan lang talaga akong magsulat ngayon.

Ang maselan kong panulaan,

Gusto kong pahiran ng tinaihang lampin

Ang nagnanana niyang sugat,

Ang nabubulok niyang sugat.


Di niya matiis ang amoy kong panis na gatas.

Naririndi siya sa uha.

Napakarami kong dala, gustong magpakarga.

Sa pagitan ng pagdudurog ng karot at patatas,

Nagpapapansin siya.


Kinikiliti niya ako, sinasayawan,

Nagmamaktol, iniiyakan.


Magbigti ka na, pakiusap ko.

Nagnanaknak na ang sugat mo.


Ang totoo’y matagal ko na siyang pinagtangkaan.

Tinabunan ko ng unan.

Sinakal.

Sinaksak ng punyal.


Ngunit nagpabalik-balik na siya sa aking sinapupunan.

Iniluwal ko na siya ng paulit-ulit.


Nanikit na ang kanyang dugo sa aking singit.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home


Image hosted by Photobucket.com