Sunday, November 21, 2004

strange paths

"What strange paths we've crossed"
- sabi ni Ana Villaverde, heroine sa State of War ni Ninotchka Rosca

Ang kasalukuyan kong textmate ay isang NPA. Si B na isang umaga, ginising ako ng text niyang nangungumusta :ss ana on d lyn? -B. Nangungumustang kaswal lang, parang insidental lang, parang nagkabungguan lang kami kahapon sa isang inuman sa may Kalayaan.

Nangungumustang parang nagising lang siya at naisip mangumusta, sa kabila ng mahigit limang taong hindi namin pagkukumustahan. Siyempre nakakabigla. Lalo na sa itinakbo ng buhay namin. Talagang napakahaba ng limang taon. Ayon nga sa klasmeyt ko, lahat ng akala mong hindi mangyayari sa iyo, mangyayari.

Simula no'n, ina-update na namin ang isa't isa. Naipit ako sa trapik sa Quezon Ave. - naghihintay siya ng suplay ng pagkain (tuyo at kamote) mula sa masa. Nasa pulong ako - gumagawa siya ng visual aids para sa educational discussion nila kinabukasan. Kapapatulog ko lang sa anak ko - tulog na rin ang sa kanya, at naglalaba ang kanyang asawa. Inulan ako sa SONA - inuulan din sila sa sonang gerilya.

Ang paghahabol sa di-mahuling panahon, ang pagsubok na punan ang malalawak na mga patlang sa buhay namin. Mahirap naman talagang pagkasyahin ang kalahating dekada sa mga bitin na kataga at pinaikling salita lalo pa't nararamdaman kong tumutulay na ako sa manipis nang sinulid ng naghihingalo kong load. Sa mga muling pagtatagpong tulad nito, kakatwang sa kabila ng inaasahan mong mga pagbabago, hinahanap mo pa rin ang pamilyar.

Paano nga naman masasagot nang husto at buo ang "kumusta?" Ano na'ng itsura niya ngayon, ano'ng suot niya? Saan siya nakatira? Seryoso ba yung pabiro niyang banggit na baka may sakit siya? Ligtas ba siya? Nilalamig? Masaya?

Grabe kami magsenti. Siya pa ang laging nagpapadala ng mga mensaheng pakyut na me grapiks, kasabay ng mga quote mula kay Mao Zedong. Minsan, kinukurot ko ang aking sarili: nakikipag-marathon text ako sa isang neps, sa aking hukbong texter.

Naalala ko dati, ako ang tagasulat ng mga piyesang inaarte niya sa teatro. Nabubuo niya ang kanyang palabas dahil sa 'kin. At sa entablado, 'pag ang galing sa 'king mga salita ay manggagaling rin sa kanya, nabubuo ko naman ang aking sarili. Nu'ng kontakin akong muli ni B-, naibalik yung dating pagbibigay-tulong at suporta sa isa't isa. Pero sa pagkakataong ito, ang paghahawak-kamay namin ay pakikipagkapit-bisig rin sa nakararami.

Masarap isiping magkalayo man kami, sa iisang direksyon kami nakatanaw. Dahil dati pa namang ganito - simula't mula pa lang ng pagkakaibigan namin - ang laban niya ay laban ko rin.

-- Nahalungkat mula sa isang kolum na pinublish noong Hulyo 2001

0 Comments:

Post a Comment

<< Home


Image hosted by Photobucket.com