Sunday, November 21, 2004

Sa Palengke

Kaya pupunta ako sa palengke
At kunwa'y bibili.
Maingay,
Pero masarap makipagtawaran:
Sumbat-lambing, bigay-bawi,
Presyo sa kilo, halaga sa halaga.

Baliw ang mga baka.
Tila adik ang mga tilapya, mapula ang mga mata.
Pinapipistahan ng mga langaw ang mapuputlang longganisa.
At ang bagoong

Ay kulay rosas,
Bulok na nabubulok.

Natilamsikan na ng putik ang maputing sakong ng donya.
Nagpapasikat ang matador sa kanya:
Nakangisi nitong tinatadtad ang liempo.
Kahit sa madilaw na bumbilya,
Kumikinang ang kutsilyo.

Iniisip ko: Kasing-talim nito ang tingin mo sa akin kanina,
Nang pasukin ang bagong linis kong pwerta
Ng putikan mong mga bota.

Ang sabi mo’y ganito nga ang ibig sabihin
Ng pagsasama sa hirap at ginhawa.

Paumanhin – makulimlim ang papawirin.
Pero kayliwanag, kaybusilak, kaytalas, kay rahas, ng pasalubong ko sa iyong panimdim.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home


Image hosted by Photobucket.com