Wednesday, February 09, 2005

Iniibig Kita At Iba Pang Masamang Balita

1. Pwedeng makipagkilala? [seksi mo, (paswit) grrr.]

2. Military exercises. 660 pwersa ng US ang itinalaga sa Mindanao bilang bahagi ng Balikatan 02-1. [Nakatalaga ang tropang US sa Basilan at Zamboanga, mga lugar kung saan may aktwal na combat. Live ammunitions ang gamit nila sa 'pagsasanay' laban sa aktwal na target, ang Abu Sayyaf Group. May karapatang lumahok ang tropang US sa aktwal na operasyong militar kung kinakailangang idepensa ang sarili.]

3. Bibigyan ng kaukulang training ng tropang US ang mga sundalong Pilipino para sa operasyon laban sa ASG. [Sinabi mismo ni National Security Adviser Roilo Golez, kulang na sa 100 ang nati-tirang ASG - samantalang aabot sa 6,000 ang naka-talagang AFP sa Mindanao para sugpuin ang natitirang bilang na ito. Ang bulu-bundukin at magubat na lupain ng Mindanao ay terrain na hindi abot ng dalub-hasa ng tropang US. Sama-katuwid, political will ng gobyerno ang kailangan para maresolba ang problema ng ASG, hindi dagdag na sun-dalo.]

4. Ikaw ang tinik sa aking dibdib, ang unnecessary tension, ang unwanted vibes, ang aking karma. Layas!* [asteg!]

5. Ang Balikatan 02-1 ay tulong ng US sa Pilipinas, partikular sa pagmomodernisa ng AFP. [Sa 50 taong kasaysayan ng US aid sa ating bansa, wala namang progresong idinulot ito sa AFP. Bagkus, lalong naging pulubi ang sandatahang lakas, umaasa sa segunda manong lumang kagamitan ng US.]

6. Ganito ang ibig sabihin ng sa hirap at ginhawa. [Pautang.]

7. Isang kasunduang nakaugat sa pagtutulungan at respeto sa pagitan ng dalawang bansa. [Hindi ayon sa Konstitusyon ng Pilipinas ang pagpapapasok ng tropang US sa bansa - hindi ito sakop ng Mutual Defense Treaty kung saan sinasabing maaari lang magpapasok ng tropang US kung may external aggression, o ng VFA, na umaaayon lang sa pagpasok ng limitadong bilang ng US troops sa loob ng sandaling panahon, para sa military exercise, at hindi direct combat.]

8. Nais kitang laging makasama. [Magaling ka kaya sa kama?]

9. Tulong mula sa US: $92.2M. [Sa bahagi naman ng Pilipinas, hinihiling na magtayo ng 'istruktura' para sa US-RP troops exercises. Ayon sa ispesipikasyon, nasa mga ito ang mga katangian ng base militar. At sa kasaysayan ng base militar sa bansa, hanggang ngayon ay dinadala pa rin natin ang bigat nito: prostitusyon, AIDS (barkong US ang nagdala ng unang HIV virus sa Pilipinas), epekto ng toxic waste mula sa mga base, pagkasira ng kalikasan, at paglabag sa karapatang pantao at soberenya ng Pilipinas]

10. Iniibig kita. [Palamas ng suso.]

11. Ang Pilipinas ang susunod na Vietnam. [Ang Pilipinas ang unang Vietnam.]

*Pamatay na breakup line mula kay RBTolentino

-- Isang lumang kolum sa Kule --

0 Comments:

Post a Comment

<< Home


Image hosted by Photobucket.com