Tuesday, December 21, 2004

Anak ng Digma

Sa mga pagkakataong ganito ako nakakapagsulat: alas-tres ng hapon, bakasyon. Tulog ang makulit, himbing na himbing na nanunungkit ng panaginip. Tahimik ang kabahayan. Pero maingay na palengke ang aking isipan, nakikipagtawaran. Minsan, itinatabi ko ang kanan kong tenga sa payapang ritmo ng kanyang puso. Sa mga pagkakataong ganito, hindi niya alam, nagpapalit kami ng pangalan. Siya ang nagiging ina na kukupkop sa akin sa kanyang dibdib; ako ang sanggol na magsusumiksik sa tabi niya, pinapatahan ang hagulgol ng aking kaluluwa.

Tatlong taon ko rin siyang pinasuso sa akin. Mahirap na, naisip ko, panahon ngayon ng digma, kailangang maging sigurista: lahat ng nutrisyong kailangan niya, lahat ng pagbibigkis na kailangan ko. Pinasuso ko siya ng pinasuso – dahil pinahiram lang siya sa akin ng uniberso, dahil iniluwal ko siya gayong malupit ang panahon, dahil batbat ang lipunan ng kontradiksyon.

Pinangalanan ko siyang A –unang letra ng alpabeto, simula ng magagandang mga bagay; paumanhin sa aking idealismo. Dalawang taong gulang pa lang siya ay notoryus na sa obsesyon niya sa pagdo-drawing, sa kanyang kakulitan, at sa hilig sa maiingay na mga tugtugan. Ibang klaseng kaluluwa si A, halos malusaw na ang pagkatao ko dahil sa kanya, at minsan kapag tinititigan ko siya sa mata, kinokompronta ako ang pag-ibig niya sa aking walang kasintindi at walang kasintalas na halos malagutan na ako ng hininga.

At ngayong limang taong gulang na siya, maraming nakakita bilang kakatwa: aabutan na niya ako sa school. Kaya naman nitong nakaraang mga linggo, naging abala kami ni E, ng kanyang ama, sa pag-ayos ng mga dokumentong kailangan para sa aplikasyon niya sa kindergarten. Hindi naman talaga dapat ganun kadugo ng aplikasyon (1) kung hindi ganun kakaunti ang tinatanggap na estudyante para sa paaralang iyon; (2) kung hindi pribilehiyo – imbes na karapatan - ang de-kalidad at pampublikong edukasyon; (3) kung may sapat na subsidyong inilalaan ang pamahalaan para sa responsibilidad niyang pag-aralin ang kabataan; (4) kung hindi ilalagak ang pinakamalaking bulto ng badyet para sa militar at intelligence; (5) kung hindi nangingikil ng suporta ang US sa kanyang gyera ng agresyon at sa pagsugpo sa itinuturing na mga terorista.

Isi lang, sasabihin sa akin ni E, sabay abot ng ganja. Pero alam naman naming may mga bagay talagang hindi magiging madali. Dahil may anak ako at panahon ng digma, mas malaki ang nakataya. Minsan, nag-iiba ako ng pangalan. Minsan, hinuhubog ang aking pagiging ina hindi lamang sa aking paglikha, kundi pati sa pagkitil ko ng walang awa.

Magigising si A. Sa telebisyon, ibinabalita ang pagbomba sa Kuwait. Gagawa kami ng mga eroplanong papel. Papaliparin namin ang eroplano sa labas ng bintana, at magla-landing ito sa bubungang lata ng kapitbahay. Takot ka ba sa gyera, itatanong niya, nakakunot ang noo. At magsisimula akong magkwento.


* kina E at A, na nahihimbing sa magkabilaan ng aking dibdib
*Unang nilathala sa Philippine Collegian, Agosto 2003

5 Comments:

At April 11, 2005 3:43 PM, Anonymous Anonymous ay nagsabing...

haaay...dada. kaya mahal na mahal kita. naiyak ako bigla doon sa linyang anton confronted you with a love so strong chuchcu. ganyan kaya ang nararamdaman para sa akin ni gael-yel kahit pa tinutulak ko siya minsan, kinukurot, sinisigawan at pinapalo?

grabe, hindi ko talaga alam paano maging isang ina.

at ang galing-galing mong magsulat. idol na idol kita.

 
At April 13, 2005 8:35 AM, Blogger Suyin ay nagsabing...

pst! may blog ka pala. hehe. link kita ha. ;)

 
At April 15, 2005 12:14 PM, Blogger anamorayta ay nagsabing...

iris,hay nakaka-overwhelm talaga no?ang quotable quote ko nga raw sa klase namin kay roland, "lahat ng akala mong hindi mangyayari, mangyayari." medyo kapos sa DM ata. :b hemingways, saludo-ako-sabay-yuko (pasintabi, abet) sa iyo!

suyin, pst.cge link moko. pero secret lang ha. hehe

 
At May 03, 2005 3:34 AM, Blogger guillerluna ay nagsabing...

mader, paborito ko ang kolum na ito pati yung iniibig kita at iba pang pagkakasala (yung hindi sa balikatan). miss ko na akyo. hehehe.

nagmamamahal-napopoot-nangungulila,
faj

 
At May 03, 2005 5:26 PM, Blogger anamorayta ay nagsabing...

fudjy,
tenkyuuu...kaso di ko na maaalala yung isang peborit mo.mis na rin kita. "nagmamahal tayo kaya't tayo'y napopoot..."pero hindi ata kasama sa tula ang pangungulila? lhat nman tyo ulila.pinahiram lng tyo ng uniberso.at naghalu-halo na ang mga quotes!

 

Post a Comment

<< Home


Image hosted by Photobucket.com