Walang Tulog
Binubuo ang BarangkaNg sala-salabat na mga eskinita.
Ngayong gabi, tinuhog ko itong isa-isa.
Sa dulo ng Sitao, natatanaw ko si Pato.
Kanina pa naghihintay
Pero tila nagulat pa rin sa ‘king pagdating.
Napigtas ang pudpod niyang tsinelas.
Nasanggi ang palaspas
Na nakasabit sa kahoy nilang pintuan.
Napakaingay ng tunog
Ng malutong nitong mga dahon,
Nadurog sa aking paanan.
Piso lang, sabi ko.
Sabay abot ng sandaan.
Nakangisi niya akong pinatuloy.
Kulob ang hangin dito,
Nakakulong sa maylamat na baso.
Sa isang bangko sa me banyo
Natutulog ang tatay ni Pato.
Sa pagbilang ko ng tatlo
Isinasabay ko ang aming paghinga:
Hithit, buga.
May umaalog sa kanyang baga.
At ‘yung bato –
Lasang tinta
Lasang kalawang
Lasang mapait na alaala.
Paglabas,
Nakakakaba ang napakaraming ilaw sa kalsada.
Nakapila ang mga trak ng basura
Mga pekeng kalabaw sa pampang.
Isang bilbord: magkaka-SM na sa Marikina.
* Mababasa rin sa
Ang Aklat Likhaan ng Tula at Kwento 2000
(Mga Patnugot) Joi Barrios at Rolando Tolentino
Ikalabing-dalawang tomo sa serye, Ang Aklat Likhaan ng Tula at Maikling Kuwento 2000 ay naglalaman ng 40 tulang nagbabalik tanaw sa kasaysayan at “nagsisilbing dokumento ng kasalukuyang panahon” at 20 maikling kuwento namang may politikang nais ipalawig at may angking “inobasyon sa paggamit ng kumbensyon sa pagkukuwento.” Lahat ng napiling akda ay hinirang na pinakamahusay at nabigyang parangal sa taong 2000. Ito ay kabilang sa taunang proyekto ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing. Ang pagbuo ng koleksyong ito ay napasailalim sa masusing pagsasaliksik at pagsasaayos ng mga kilala’t pinagpipitagang manunulat, iskolar at kritiko na miyembro rin ng pakuldad ng UP Departamento ng Filipino, na sina Joi Barrios at Rolando Tolentino.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home