Thursday, February 17, 2005

Bakwit*

Image hosted by Photobucket.com
kuha ni erpats -- gil nartea

I.
Isang araw, dumating ang mga tutubing bakal.

Binulabog ng mga dambuhala nitong elesi ang kay tahimik, kay kiming hanging dapithapon.

Tinangay ang mga sinampay ni Nanay – di na namin nahabol at tuluyan nang lumipad ang naninilaw na mga lampin ni bunso.

Kumalat ang abuhing alikabok sa bakuran at kumapit ito sa buhok at damit ni Tatay. Tumanda siya ng isanlibong taon sa loob ng dalawang minuto.

Nilamon ng napakalakas na ugong ang tunog ng kumakalam kong tiyan.

Kaytagal naming tumingala sa kalangitan.

Pagkatapos, walang katapusang putukan.

II.
Ang buong baryo nami’y naglalakbay, isang di-masukat na karagatan ng mga balutan.

Ang buong buhay ng aming pamilya’y nagkasya sa isang malaking batya. Di magkandamayaw si Tatay sa laman nitong kay bigat: ang mga basahang damit, ulinging mga kaldero, isang suklay, at mga tipak ng aming pangarap.

Naiwan ko sa bahay ang lahat ng aking laruang lastiko. Namamanhid ako sa tila kayhigpit nilang kapit sa aking pulso.

III.
Walang tigil sa pag-iyak si bunso. Nalalapnos na ang likod niya sa lamig ng hinihigaan naming semento.

Nanginginig si Tatay sa kauubo. Kay ingay ng kanyang paghinga. Amoy dugo si Tatay.

Nanuyot na ang gatas sa suso ni Nanay. Punung-puno ng maliit na sugat ang tigang niyang mga utong.

Tinae ko na at tinatae ko pa rin ang kay lapot, kay sangsang na burak ng digmaang ito.

IV.
Dumating ang rasyon isang umaga. Sumasabog ang dibdib ko sa pagmamakaawa at pananabik na masandukan ang pag-asa namin ng panis na lugaw.

V.
Bakwit, ‘yun ang tawag sa amin. Isang grupo ng mga estudyante ang dumalaw sa amin minsan. Nagkuwento sila ng magaganda at masasayang mga kwento. Nagdala sila ng mga puppet at

V.
Nabalitaan kong natupok ng apoy ang aming paaralan. Sa aking isip, ang mga pudpod kong crayola -- dilaw, bughaw, lila, lunti, kahel at pula -- ay pare-parehong nagkulay-abo.


*"Evacuate" - nagdevelop sa ganito ang pagsambit sa salita dahil malaking bulto ng nakakaranas "mai-bakwit" ay sa kanayunan, lalo na Mindanao.

-- Inilathala sa Trip - Philippine Collegian Literary Folio.

2 Comments:

At April 23, 2005 12:05 AM, Anonymous Anonymous ay nagsabing...

naiiyak naman ako rito. nakaka-agit!

 
At April 26, 2005 12:21 PM, Blogger anamorayta ay nagsabing...

itigil militarisasyon!
lupa hindi bala!
:)

 

Post a Comment

<< Home


Image hosted by Photobucket.com