Paradise Express II
Pag-asa sa Mga Bagay na Di-InaasahanSa Golden Fortune Tea House, sa gitna ng usapang pagibig at pulitika napunta ang usapan sa: kung pagkain ang ilang certain people nagdaan sa buhay namin, ano sila? Sa pagitan naming tatlo, eto ang naalala kong mga sagot:
Deconstructed sandwich.
Azucenang papaitan sa isang deserted at malamig na kalye sa Baguio.
Kape sa ilalim ng mapusyaw na ilaw at mapagbantay na mga weyter sa isang kainan sa Cubao.
Herbed, buttered higanteng lobster na titirahin ng nakakamay at nagmamantika ang nguso.
Caviar, kasi hindi pa natitikman.
Order sa restoran na antagal-tagal na inintay, kinainipan, at iniwan, na hanggang ngayon ay di tiyak kug dumating ba talaga.
Atat si Aronofsky na basahin ang isang bagong gawang tula. Sa una medyo wala akong gana sa isang poetry reading matapos ang lagpas isang oras na paglalakad. Pero binanggit niya ang magiging titulo ng koleksyon: “Pag-asa sa Mga Bagay na Di-Inaasahan.” Astig! Hooked naman kami ni Tarantino.
Kaya ayun. Sa harap ng higanteng mangkok ng HK noodles, spinach dumpling, asado, soy chicken, siopao, mango pudding, almond milk tapioca, coffee milk tea, mainit na tsaa sa basong plastik – binasa ni Arnofsky ang isang malambing na oda tungkol sa kung paano hintayin ang pagdating ng ulan. Kung paanong ang pagdating nito ay tikatik sa bubong ng isang malungkot na bahay. O banayad na ambon para sa isang dalagang naghihintay sa isang kasintahan na namundok. O sanlaksang bagwis sa nanunuyot na palayan.
Napaisip tuloy ako – paano ko ba karaniwang inaasahan ang pagdating ulan? Napakanipis ng suot ko. Walang payong, jacket o kahit kapirasong balabal. Naka-shades at kumakain ng halo-halo. Nakaharap sa electric fan or better yet – nakaback float sa gitna ng walang kaalon-alon, banayad na dagat. Walang kidlat, malamig na tapik ng hangin o makulimlim na papawirin. Marso, tirik ang araw, halos trenta degrees Celsius ang temperatura. Tapos, walang abiso, walang kiming ambon ni padabog na kulog, bumuhos ng pagkalakas-lakas walang habas harabas na ulan. Dumating ang ulan, sa eksaktong sandaling hinding-hindi ko pa inakala.
Paano ko inaasahan ang pagdating ulan? Hindi.
1 Comments:
here's to ilog pasig sunsets! cheers sa inyong dalawang magaganda! margarita pls! :)
Post a Comment
<< Home