Paradise Express
Noong Huwebes eksaktong alas dos ng hapon, nakaramdam ako ng isang matindi, seryoso, walang stir,if-I-kill-him-would-you-give-me-a-foot-massage kinda pagod. Sa totoo lang, matagal-tagal ko na rin namang inaasahan ang paniningil nito sa akin.
Sabi ni Tarantino, ‘yung kaibigan kong may solusyon sa lahat ng bagay (problema man ‘yun o hindi), “Kelangan mo nang mag-quiapo.”
- Ang Quiapo, bukod sa ibang bagay (lugar, teksto, pinirata haven, sinapupunan/kilikili ng Maynila, bilihan ng perpektong piniritong lumpia togue, etc.) ay isa ring verb. Tulad rin ng “Igoogle natin ‘yung perslab mo, game!” or “Tangna tsong, ijujuts ko na lang ‘to.”
- Off limits: hinarangan ang gitnang aisle patungong altar ng Quiapo Church. Walang puwang tuloy ang mga naglalakad-paluhod-sa-altar-habang-nagdarasal.
Walled City bilang mapa ng memorya
- Sa Intramuros, tinagpo namin ni Aronofsky. Sumagi sa isip ko ‘yung isang tao mula sa malayong-malayong-malayong nakaraan, na nagpaintindi sa akin kung paano’ng magkakadikit ang likaw ng bituka ng Recto, Quiapo, Binondo, Tutuban, Divisioria at Frisco – tinahi namin ito sa pamamagitan ng paglalakad.
- Sa San Agustin Church, may kinakasal. Ang harot ng entourage, tawa sila ng tawa. Firecrackers imbes na isinaboy na bigas. Longhaired ang groom at may piercings sa tenga, kilay, lower lip. Ang bridesmaids, rumampa in supermini cocktail dresses in screaming red, may malalaking plastic flowers sa buhok. Nang titigan ko ang bride shet: nalunod ako sa walang katapusang alon ng busilak sa kanyang traje.
Canal dela Reina at mga malikmata
- Sa Canal dela Reina, saktong papalubog na ang araw. Pinakaperpektong timpla ng pusyaw at nostalgia ng kulay kahel, astig! Salamat marahil sa (1) POV ng Haring Araw sa ating arkipelago; (2) madugong kasaysayan ng Maynila; (3) tindi ng polusyon sa atmospera sa bahaging ito.
- Napaluha sina Tarantino at Aronofsky pagdating sa puwerta ng Binondo. Old Europe mhen. Sa kisapmata ng sirang romantiko, tila ferry sa Ilog Seine (Uy, sina jesse at celine ba yun, nagnenegotiate ng kanilang pag-ibig?). No, no, no - cargo vessels lang pala patawid ng Ilog Pasig.
- Si Tarantino, biglang naisipang gusto palang magturo sa kalapit na [certain Manila university]. Hinamon ko siya sa katotohanan ng existence nito - me kakilala ba siya, kahit sino, na nag-aral dito?
“Iniluwal lang ang konsepto ng [certain Manila university] dahil marahas ang lunsod. Kinailangan ng sambayanan ng ideya na somewhere, may pamantasan sa tabi ng isang ilog na lumalamon sa pinakamagagarang mga dapithapon,” sabi ko, perfectly spoofing ang mga retorika ni Arnofsky sa urbanismo at alienation.
“Don’t fuck with my brain,” sabi ni Tarantino.
“Cometothinkofit,” sabi ni Arnofsky, sa utak niya niluluwal ang isang semester na naman ng mga teorya.
1 Comments:
objection, ke papa gil po yan. hehe.
Post a Comment
<< Home