Monday, February 13, 2006

Ang Bisita

Nakatanghod ang biyuda sa harap ng kabaong nang dumating isang dapithapon ang di-naimbitahang bisita. Dire-diretso itong tumuloy sa maliit na dampa: walang ni ha ni ho, walang pagbati ng magandang hapon o banayad na tango, hindi nagtanggal ng salakot o nagpagpag ng putikang sapatos, hindi man lamang sumaglit upang mag-antala ng krus. Dire-diretsong tila lapastangan o walang modo: huminto lamang sa harap ng biyuda, humalik ng marahan sa nakayuko nitong noo.

“Di kita inanyayahan o napaghandaan, gayunpama’y inaasahan ko ang iyong pagdaan,” anang biyuda, habang pinagsisilbihan ng kape ang bisita: sa maypingas na tasa, wala gatas, walang asukal, itim, madilim.

Kung sumagi man sa isip ng biyuda na ipagtabuyan ang bagong-dating, agad namang naiwaglit ang balak. Dahil kahit papaano’y pamilyar din naman sila sa isa’t isa. Ilang ulit na itong nakisalo sa aba nilang kusina o pumagitna sa tabi nilang mag-asawa sa kama. Nagkakilala na sila, noong walang tigil na sumuka ng dugo ang kanyang bunso, nagkita nang unang ibinalita ng asawa ang welga sa pabrika, nagkatabi sa isa ring burol tulad nito, wala pang isang buwan ang nakaraan, sila-sila rin ang nagkita-kita.

Sa gayo’y masasabing mabuti naman ang naging pagharap sa kanya ng biyuda: ginunita ang masasayang alaala sa piling ng asawa, inisa-isa kung sinu-sino ang nakiramay, dinetalye ang karumal-dumal na salaysay ng pagpaslang. Nang ideklara ng bisita ang pasyang doon na magpapalipas ng gabi ay walang pag-aatubiling inilabas ng biyuda ang isa pang kumot sa tabi ng kanyang ulunan. Bandang alas dos nang sila’y magtalik, ngunit matapos nito’y agad ring nagbihis ang biyuda, nagsuklay, nagwalis ng bahay.

“Makakaalis ka na,” sinabi niya sa nahihimbing na bisita sa kanyang kama.

Malayo pa ang bukang liwayway ngunit marami pa ang gawain. Mag-init ng tubig sa kalan. Maglinis ng bahay, paliguan ang mga bata, diligan ang mga tanim, asikasuhin ang libing, katayin ang nag-iisang manok na ititinola upang isilbi sa mga magsisidalo ng huling misa. Maya-maya pa sisikat ang araw ngunit alam niyang marami-rami rin ang iniwan ng kanyang asawa, oo’t naantala siya ng pansamantala ngunit ngayon - oras na.

Habang ginigilitan ang leeg ng manok at pinapanood ang dugo nitong tumutulo sa nabibitak na lupa, naisip niyang hindi ganito ang paraan upang mamatay, walang imik, tahimik, tila nagpapaumanhin pa sa abala.

Sa gilid ng kanyang mga mata’y nakita niyang humahakbang na ang bumisitang lumbay palabas ng kanyang bakuran, ngunit hindi,

hindi na niya ito hinatid pa ng tanaw.

2 Comments:

At February 17, 2006 12:43 PM, Blogger adarna ay nagsabing...

mummy? hug kita..

 
At February 20, 2006 12:41 PM, Blogger anamorayta ay nagsabing...

mahigpit at malagkit na hug din mummy...

 

Post a Comment

<< Home


Image hosted by Photobucket.com