Mga Alipato
Isang araw, naramdaman ni Gloria na bilang na ang mga araw niya sa itinuturing niyang Paraiso. Kahit pa itinakwil na siya – nagsusumiksik pa rin dito. Sino nga namang hangal ang bibitiw na lang – samantalang “pinaghirapan” niyang makarating dito.Aniya: “I am sorry. Pero ano ba’ng nirereklamo n’yo? Likha lamang ng dakila ninyong imahinasyon ang mga sinasabing ebidensiya ng pagkakasala. ‘Yung bawal na prutas? Wala akong pinitas. ‘Yung narinig ninyong tunog ng pagkagat ko sa malutong na balat nito? Wiretapping ka ha, iligal ‘yan. At ‘yung napulot ninyong nabubulok at inuuod na prutas sa lupa? Walang bulok dito, dahil ang Paraiso ay Paraiso ay Paraiso.”
Kaya’t nilibot ni Gloria ang Paraiso. Nakipagkamay sa kanyang mga nasasakupan. Ngumiti. Nanumbat, kung kinakailangan, tungkol sa mga bagay na kanyang “ibinigay.” Kumaway ng kumaway.
Pumunta siya sa mga lugar kung saan bitak-bitak sa pagkatigang ang lupa. Pero hindi niya ito alintana. Sagana sa tubig sa Gloria. Pumunta siya sa mga lugar kung saan ang mga bata’y namamatay sa gutom. Pero hindi niya ito alintana. Laging busog si Gloria. Pumunta siya sa mga lugar kung saan napakadilim. Pero hindi niya ito alintana. Hindi siya napuputulan ng kuryente. Pumunta siya sa mga lugar kung saan walang matirhan ang mga tao. Pero hindi niya ito alintana. Nakatira siya sa Palasyo.
Pumunta siya sa lugar, na kahit nasasakupan, ay hindi pala siya pwedeng makadaan. Wala na raw iyon sa kanyang kapangyarihan, sabi ng mapuputing mga sundalong wari niya’y mga anghel.
“This territory belongs to God,” sabi ng sundalo. “So beat the shit outta here.”
“Amen,” buong pagkukumbabang sabi ni Gloria.
Pumunta siya sa mga lugar kung saan ipinagutos niyang dukutin ang mga mata ng nakakakita, at gawing kilawin ang dila ng mga nangahas magsalita. Ito, inalintana ni Gloria. “Kulang sa timpla,” aniya, at nakisubo pa siya.
Ngunit hindi nagtagal ay dumating ang mga Tagapaghatol: Itinaboy nila si Gloria mula sa lugar na iyon, na hindi man Paraiso dahil hikahos at marahas, ay para talaga sa kanila.
“Impiyernong buhay ito,” usal ni Gloria.
Nilamon si Gloria at lahat ang buong uniberso ng kanyang panlilinlang, panlalapastangan, at pagpaslang, ng matatalim na dila ng apoy ng kasaysayan. Mula sa abo, mayroong bagong mundong iluluwal ang mga alipato. Iluluwal ng walang kamatayan, naglalagablab at ginintuang liyab mula sa ilanlibong sulo.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home