KABATAAN Partylist Video
Kabataan, tagapagmana ng bukas, tagahulma ng kapalaran, pag-asa ng
bayan: Panahon na para sumuway at maging mapangahas.
Sumuway sa kasalukuyang ayos ng karahasan. Magpumiglas laban sa lupit
ng kahirapan. Sumalungat sa karaniwang agos ng kawalang pakialam.
Ituwid ang tiwali, iwaksi ng bulok, ipagtanggol ang mga api.
Kabataan:
Magtanong
Maghamon
Magtangka
Makisangkot.
Kailangang mag-aral hindi lamang sa loob ng paaralan, maghanapbuhay
upang maunawaan ang halaga ng paggawa, maghabol ng mga pangarap,
makapagsilbi, makilala ang sarili, maging makabuluhan sa lipunan.
Kabataan, kailangang magpatuloy.
Kailangang pumadyak. Kailangang kumampay. Kailangang huminga. Sa oras
ng pagkagipit nakakakuha ng lakas ang kabataan para lumangoy.
Nakakagalit ang mga nagaganap: Katiwalian, kahirapan, kawalang
katarungan. Pero ang galit natin ang ating armas.
Tulad ng ng ating mga bayaning nagsilbi sa kapwa at nag-alay ng buhay
para sa bansa:
Kung kailangang nasa bingit at pinagmumuntik-muntikanan, doon tayo
lalong nagiging matalas at mas mapangahas.
Dahil sa simula pa lang naman ng ating kasaysayan: Alam nating
nakakamit lang ang pagbabago kung iniluwal ito mula sa pinakamagiting
na pag-iral at pakikipaglaban ng kabataan.
Kabataan, pag-asa ng bayan. Walang ibang tagapagmana ng bukas kundi
tayo. Walang ibang huhulma ng bukas kundi tayo.
Kabataan, panahon na para sumuway at maging mapangahas.
Ngayong eleksyon, susuway tayo sa dikta ng kawalang-pakialam at
kawalang-katiyakan. Hindi tayo magkikimi ni hihingi ng paumanhin. Ang
pagsuway ay isang pagpapasiya. Ang pagsuway ay pagpanig. At pagkitil
sa pangit na kabilang hindi natin pinili. Ito'y pagkikipagtitigan sa
mata. Ito'y paniningil at pagtiyak sa ating mga karapatan. Ito'y
pagtangan sa papel natin sa pagbabago.
At paghamon sa sarili upang kumilos tungo sa isang mas makatao at
makatarungang mundo.
Kabataan:
Magtanong
Maghamon
Magtangka
Makisangkot.