Trahedya sa Grade III-Eagle
Itinuturing kong beterana na ako sa mga bulilyaso, pero nalagay ako sa lugar nang pumasok sa ER ang nanay ni Roger.Tinahi ang ulo ni Roger, isang stich. In-Xray at under observation, every 3 hours kelangang gisingin ang kawawang bata. Nangyari ang lahat sa loob ng tatlong oras. 5:30pm tumawag si E. Kapapatay lang niya ng yosi niya at papasok sa gate ng eskwelahan para sunduin na si Anton. 5:35pm tumawag uli: Putok ang ulo ni Bespren Roger, tinulak kase ni Anton.
Atak si E, Anton at Roger sa ER. Salamat sa Sun 24/7, lahat ng desisyon at kaganapan itinatawag sa kin, dahil takot sa dugo at tanga si E, at ako ang 'beterana' sa aming dalawa. Pero tatlong beses pa kong binagsakan ng telepono at cellphone pagtawag ko sa mga magulang ni Roger, bago sila finally nakumbinseng trobol talaga ang anak nila, c/o anak ko. "Hello? Mommy po ako ng kaklase ni Roger, may nangyari po, dinala po namin sa ospital anak n'yo." Blag. Hello, hindi po ako dugu-dugo gang,pramis!
Dumating rin ang mga magulang. Nauna ang tatay, na halos di rin makapagdesisyon. Iniwan pa niya uli si Roger sa ER para hagilapin ang nanay, na teacher sa St. Claire at "Babe" ang tawag sa asawa. "Babe, hindi kasi sinundo agad ng traysikel mo si Roger, naku Babe makakatikim na sa 'kin 'yang tao mo." Malamig at malambing ang boses ng nanay ni Roger sa anak, authoritative at inquisitive ang tono sa ER staff, galit pero sibilisado sa driver ng service, maternal at forgiving sa akin.
Sugod din naman sa ospital si Tita Paola at Dino, moral support at usyoso. Sabi ng nanay ni Roger, sa boses niyang kabigha-bighani, "Ganyan talaga ang mga bata, wala tayong magagawa. Tsaka, ilambeses na rin naman nangyari ito e (meaning malamang na na-disgrasya ang anak niya)."
Sagot naman si Tita Pao, sa pagtatangkang maging so agreeable para makuha ang loob ng naatraso, "O nga ho, kay Anton din, ilambeses na rin naman nangyari ito, hehehe."
Ooopps.
Tinanong si Roger, bakit naman di agad sila nagsabing me sugat siya. "Kasi po, ayaw na po namin ni Anton na may madamay pang iba." Nilunok ko ang Nye! na nagpumiglas sa lalamunan ko.
Badtrip naman si VJ Rubio sa ospital, mertayoleyt lang daw dapat 'yun, "Pinalalaki nila away bata!" Sabi naman ni Benrey Densing, naranasan na niya ang parehong matulak at maputok ang ulo, at ang makatulak at maputok ang ulo ng tinulak niya. Mas na-trauma daw siya nu'ng siya ang nakatulak. Kala niya nakapatay na siya.
Pero si Anton, sa buong panahon ng mga pangyayari: tameme, parang nalunok ang sariling dila, walang masabi.
Noong pauwi ako sa bus nun, umaapaw ang utak ko sa kaiisip: ang pagkalapit sa aksidente ng mga bata, at ang dami ng mga taong dapat kong kausapin at paliwanagan, at kung anubang life lesson na ipasusungkit ko kay Anton sa karanasang ito, at ang gastos sa ospital, na unconsciously kinukuwenta ko na palang pantuition na sana sa kumon this month, pambili nung motherboard na kelangang-kelangan ko, o pang-iskor ng bikini para sa trip to Palawan.... nang mapansin ko 'yung katabi kong mama, may hawak na isang bugkos ng mga riseta, mabaho at gula-gulanit ang damit, tulirong nawawalang bumaba sa tapat ng kidney institute, nagkandahubad pa ang pudpod niyang tsinelas. Lalo akong napaisip. Bakit lagi na lang mga mamang nakasuot ng pudpod na tsinelas ang aking nagiging mga Angel of History?
Ngayon, kinabukasan ng mga pangyayari, nagrekwes si Anton na sunduin daw siya ng maaga, tutal wala naman din daw si Roger sa school. Samantala, andito ako, pumapatay ng oras, pero dapat tumatawag na ako uli ngayon sa bahay nila Roger para kumustahin ang bata at makipag-usap - nanay sa nanay - isusuot ko ang boses kong may kontrol at sigurado sa ginagawa. Pero para akong si Anton ngayon, 9 years old, bagong bungi ang ngipin at medyo overweight, di-sinasadyang nakaaksidente, tameme, parang nalunok ang sariling dila, walang masabi.
3 Comments:
naku, napalakas ata ang tulak ni anton. waaahhh, kinabahan ako, tinawag ko tuloy si eleyn bago ko pa man mabasa yung entry.
parang ka nang si amanda bartolome nung nakipagbubugan si gani dahil sa isyu kung paano tumalon ang tipaklong. naku, mahaba-haba pa ang susundan namin sa mga misadventure ni anton, at siyempre ng angel of history niya na walang iba kungdi si ana morayta.
ok na si bespren roger. nagpunta ako last wik sa iskul at nadatnan ko silang naghahabulan na naman ni anton ilang metro mula sa pinangyarihan. maraming salamat, guillerluna and vj!
konseptong alien sa akin na ang tatay ng anak ko ang magsusundo sa anak ko sa school.
may tinusok din si kaloy na klasmeyt niya ng lapis sa kamay. kinabukasan, umiiyak na gumawa ng public apology sa harap ng klase.
the following schoolyear, siya ang natusok ng lapis sa mata. amputah. hinahanap ko pa rin yung nanay nung graduation... pero ganun lang ata talaga ang buhay.
wala akong boses na "in control". meron lang yung "nakakabighani". nyahahaha.
da, ang hirap, ang hirap talaga.
Post a Comment
<< Home