Monday, May 08, 2006

Pag-uwi sa Madaling Araw

Lagi akong umuuwi sa madaling araw
dahil malaki at marami at mabigat ang laman ng bag ko.
Halos hindi ko mabuhat ang aking dala-dala –
lalo pa’t tuwing umuuwi ako ng maaga.
Tuwing sinusubukan ko namang bawasan ang laman
lagi akong nabibigo.
Hindi ko nga maintindihan.
Dahil bukod sa ibang bagay na itinuturing kong sikreto
walang ibang laman ang bag ko
kundi mga tula lang naman.
Mga tula sa kani-kanilang mga uniberso.
Photobucket - Video and Image Hosting

Kapag umuuwi ako ng madaling-araw
hindi sa sinasabi kong nababawasan ang bagahe ko at gumagaan –
pero sabihin na nating nakakayanan naman.
Isinasabit ko ito sa aking kanang balikat,
kumakagat ang strap sa ‘king balat.
Hindi ako nagtataksi.
Gusto kong mapag-isa, nakakapag-isip ako ng malalim
pero ayoko namang walang kasama sa biyahe.

Humahagibis ang dyip sa kumikinang na aspalto ng Quezon Avenue.
Iniisip ko, kung dudura ako sa bintana
aabot ang laway ko sa Fairview.
Iniisip ko rin lagi ang tuksong itapon na lang
ang lahat ng laman ng bag ko
at paliparin sa labas ng bintana.
Pero hindi ko naman nagagawa.
Malamang kasi, kasama ng mga tula
kakalat ang utak ko sa kalsada.

Humahampas ang hangin sa mukha ko –
nasa harap pa naman namin
ang nakapilang mga trak ng basura.
Tumatagos ang lamig sa buto ko.
Malamlam ang ilaw sa dyip.
Kumikirot ang kanang balikat ko.

Sa loob-loob ko, huwag kang magreklamo.
Sampung bote ng beer ang nasa lasing na nahihimbing sa tabi ko.
Dalawampung kilong galunggong ang nasa pagitan ng mga hita ng tindera.
Dalawang timba ng taho ang pinagkasya sa harapan ng mama.
Tatlong buwang damit ang kalong ng katapat kong bagong salta sa Maynila.
Dalawang sanggol ang yakap-yakap ng naglayas na ina.
Sambakol na problema ang nakaguhit sa mukha
nu’ng pinakamagara ang bihis sa aming lahat na tila magsisimba.
Tatlong icepick naman ang nasa bulsa ng binatilyo sa bandang kaliwa ko.

Sabi nila, ang lakas ng loob ko, kababae kong tao.
Pero iniisip ko, wala naman ‘atang dapat ikakaba.
Tanghaling tapat noong madukutan ako ng walong daan.
Ang ganda ng sikat ng araw nang marahas kaming buwagin sa rali sa Batasan.
Alas-siyete ng gabi nang minsang matutukan ako ng baril sa may Katipunan.

Pero ngayon, alas-tres ng umaga, itong binatilyong manghoholdap sana
ay tila nawalan na ng gana.

Pagbaba ko ng dyip, parang nais ko tuloy magpaliwanag:
Mabuhay kayo, mga kasama.
Malupit ang panahon at mabigat ang ating mga dala-dala.
Nagbi-biyahe tayo ng madaling araw dahil nangangahas tayo’t nagbabakasakali –
na sa ngayon, makikibuhat ako sa inyong araw-araw na pakikibaka;
na balang araw, makikita rin ang ating balintanaw.

Pero naiintindihan ko naman ang mga nag-aalala,
kaya’t pasensya na.
Umiingit ang pinto tuwing binubuksan ko ito.
Pasensya na, sa lahat ng naiistorbo.
Tinatanggal ko ang putikan kong sapatos pagpasok.
Iinom ako ng tubig.
Huhugasan ko kung may natirang mga plato sa lababo.
Nakayapak akong papasok sa kwarto.
Napapailing ako, lagi na lang akong kinakapos sa oras.

Pero umuuwi pa rin ako kahit madaling araw,
umuuwi kahit delikado, kahit pwede pa namang ipagpabukas,
kahit malamig at nag-iisa.
Dahil kapag umuuwi ako ng madaling araw, umuuwi akong hapô.
At sa mga oras na iyon, pwede ko nang ipikit ko ang mga mata ko –
sa mga panaginip lang ako susuko.
Dahan-dahan at buong pag-iingat,
ilalapag ko sa wakas ang mabigat kong bag.

*Para sa mga anak ng digma - pasensiya na kung ang mga nanay ninyo'y inuumaga


Happy Mother's Day!

* Palakpak kay Benrey Densing para sa artwork

1 Comments:

At May 11, 2006 8:10 PM, Blogger gingmaganda ay nagsabing...

idol ka tlg dadadi!
sarap mabuhay, lalo't nakakahugot ka ng mojo sa araw-araw na pakikibaka para sa mga tula. lam mo yun. it makes your life worthwhile.

 

Post a Comment

<< Home


Image hosted by Photobucket.com