Tuesday, May 09, 2006

Kung Paano Mo Isasalba Ang Sarili Mong Buhay

Target ngayon ni Antonio Amador: patampukin ang erotic fiction sa Filipino. Kaya't ilalabas ang unang serye ng erotikong mga nobelang ito ngayong Hulyo. Ibig sabihin, kailangan kong matapos ang final draft ng Mayo 15. Nyay. Me naalala tuloy akong joke.
Lalaki1: Katapusan na!!!!
Lalaki2: Ano'ng katapusan? E a-kinse pa lang 'no!
***
Excerpt:

Chapter 1
Kung Paano Mo Isasalba ang Sarili Mong Buhay

Noong gahasain si Maya ni General Juan Kapalaran, nanonood si Chris. May nakatutok na .45 sa sentido nito. Nakaposas ang mga kamay at balot ang halos buong mukha ng packaging tape. Halos buong mukha, maliban sa mga mata nito.

Ang ganda ng mga mata ni Chris, putsa. Pag tinititigan niya ito, nakikita niya ang mito ng bughaw na langit at asul na karagatan. Sumasakay siya sa puting mga ulap. Dinuduyan siya ng malalambot na mga alon. Pag tinititigan niya si Chris, pakiramdam ni Maya nakainom siya ng malamig na malamig na tubig matapos ang napakatagal na pagtakbo. Malamig ang lupa sa kanyang mga paa. Malambot ang mundo sa talampakan niyang hapo. Sino’ng mag-aakalang ang hayup sa gandang mga matang iyon ay makakasaksi ng ganun kasahol na mga pangyayari?

Ang naaalala niya’y habang ginagahasa siya ni General Kapalaran ay nakatiwangwang ang malalaking bintana ng kanilang inuupahan, at kitang-kita ni Maya, ang umaga ay indigo noong araw na iyon. Noong umagang iyon, isang sobre ang nag-landing sa kanyang paanan, pagkabangon niya mula sa panaginip, pagkabukas niya ng pintuan.

Naisip ni Maya, inabot sila ng magdamag ni Chris pero pwede palang managinip kahit di natutulog. At noon ring araw na iyon, napatunayan niyang pwede rin palang bangungutin ang isang taong gising.

Binayo siya ng binayo ng Heneral. Amoy na amoy ni Maya kung gaano kabaho ang hininga nito, na parang may nabubulok na laman sa loob ng kanyang katawan. Nilalapit nito ang bunganga nito sa mukha ni Maya habang bumabayo, at matalim at paulit-ulit na binubulong, “Puta ka talagang puta ka.” Pinagduduraan siya sa mukha ng Heneral.

Pakiramdam ni Maya, nahuhulog siya. Nalulunod. May hukay. Nakakakain siya ng malamig, magaspang na lupa. May balon. Napupuno ang baga niya ng malamig, magaspang na tubig. Hindi siya makahinga. Hindi siya makaahon. Hindi siya makapalag.

Ang kaso, kumapit si Maya. Tinitigan niya ang mga mata ni Chris, na nakatitig rin sa mga mata niya. Para ngang di na nakikita ni Chris ang mga pangyayari – ang Heneral, ang na-ransack nilang kuwarto, ang mga basag na gamit, ang wasak nilang buhay, ang baril sa kanyang sentido. Sa tindi ng titig ni Chris, parang mga mata lang ni Maya ang nasasakop nito. Tumingin siya sa mga mata ni Chris. Sa tindi ng titig ng kasintahan, naging kongkreto ito’t solido, lubid, o anchor, o batong nakausli sa bangin, na kinapitan ng mahigpit ni Maya na parang sa titig nakasalalay ang kanyang pagkasalba.

Dinuraan siya ng Heneral sa mukha. Napapikit siya sa lagkit ng laway sa kanyang talukap, na dumausdos sa butas ng kanyang ilong. At pumikit siya ng mariin na mariin hanggang sa hindi niya namalayan, nakaraos na pala ang Heneral. Bumitiw siya sa kapit ng titig ni Chris. Bumitiw siya sa matayog na mga ulap at marangyang karagatan. Binitiwan niya ang basong may malamig na malamig na tubig na iinumin matapos ang matagal na matagal na pagtakbo. Bumitiw si Maya sa kapit ng titig ni Chris at hinawakan ang sariling mga kamay. Unti-unti siyang nakahinga.

Alam ni Maya, pinagmuntik-muntikanan na siya. Antalas pala talaga ng kutsilyo kapag umupo ka sa mismong talim nito. Oo naman, may mga pagkakataong tinulay na niya ang sariling hukay. Ang kuwento, kung naisalba ba na niya ang sariling buhay.

Monday, May 08, 2006

Pag-uwi sa Madaling Araw

Lagi akong umuuwi sa madaling araw
dahil malaki at marami at mabigat ang laman ng bag ko.
Halos hindi ko mabuhat ang aking dala-dala –
lalo pa’t tuwing umuuwi ako ng maaga.
Tuwing sinusubukan ko namang bawasan ang laman
lagi akong nabibigo.
Hindi ko nga maintindihan.
Dahil bukod sa ibang bagay na itinuturing kong sikreto
walang ibang laman ang bag ko
kundi mga tula lang naman.
Mga tula sa kani-kanilang mga uniberso.
Photobucket - Video and Image Hosting

Kapag umuuwi ako ng madaling-araw
hindi sa sinasabi kong nababawasan ang bagahe ko at gumagaan –
pero sabihin na nating nakakayanan naman.
Isinasabit ko ito sa aking kanang balikat,
kumakagat ang strap sa ‘king balat.
Hindi ako nagtataksi.
Gusto kong mapag-isa, nakakapag-isip ako ng malalim
pero ayoko namang walang kasama sa biyahe.

Humahagibis ang dyip sa kumikinang na aspalto ng Quezon Avenue.
Iniisip ko, kung dudura ako sa bintana
aabot ang laway ko sa Fairview.
Iniisip ko rin lagi ang tuksong itapon na lang
ang lahat ng laman ng bag ko
at paliparin sa labas ng bintana.
Pero hindi ko naman nagagawa.
Malamang kasi, kasama ng mga tula
kakalat ang utak ko sa kalsada.

Humahampas ang hangin sa mukha ko –
nasa harap pa naman namin
ang nakapilang mga trak ng basura.
Tumatagos ang lamig sa buto ko.
Malamlam ang ilaw sa dyip.
Kumikirot ang kanang balikat ko.

Sa loob-loob ko, huwag kang magreklamo.
Sampung bote ng beer ang nasa lasing na nahihimbing sa tabi ko.
Dalawampung kilong galunggong ang nasa pagitan ng mga hita ng tindera.
Dalawang timba ng taho ang pinagkasya sa harapan ng mama.
Tatlong buwang damit ang kalong ng katapat kong bagong salta sa Maynila.
Dalawang sanggol ang yakap-yakap ng naglayas na ina.
Sambakol na problema ang nakaguhit sa mukha
nu’ng pinakamagara ang bihis sa aming lahat na tila magsisimba.
Tatlong icepick naman ang nasa bulsa ng binatilyo sa bandang kaliwa ko.

Sabi nila, ang lakas ng loob ko, kababae kong tao.
Pero iniisip ko, wala naman ‘atang dapat ikakaba.
Tanghaling tapat noong madukutan ako ng walong daan.
Ang ganda ng sikat ng araw nang marahas kaming buwagin sa rali sa Batasan.
Alas-siyete ng gabi nang minsang matutukan ako ng baril sa may Katipunan.

Pero ngayon, alas-tres ng umaga, itong binatilyong manghoholdap sana
ay tila nawalan na ng gana.

Pagbaba ko ng dyip, parang nais ko tuloy magpaliwanag:
Mabuhay kayo, mga kasama.
Malupit ang panahon at mabigat ang ating mga dala-dala.
Nagbi-biyahe tayo ng madaling araw dahil nangangahas tayo’t nagbabakasakali –
na sa ngayon, makikibuhat ako sa inyong araw-araw na pakikibaka;
na balang araw, makikita rin ang ating balintanaw.

Pero naiintindihan ko naman ang mga nag-aalala,
kaya’t pasensya na.
Umiingit ang pinto tuwing binubuksan ko ito.
Pasensya na, sa lahat ng naiistorbo.
Tinatanggal ko ang putikan kong sapatos pagpasok.
Iinom ako ng tubig.
Huhugasan ko kung may natirang mga plato sa lababo.
Nakayapak akong papasok sa kwarto.
Napapailing ako, lagi na lang akong kinakapos sa oras.

Pero umuuwi pa rin ako kahit madaling araw,
umuuwi kahit delikado, kahit pwede pa namang ipagpabukas,
kahit malamig at nag-iisa.
Dahil kapag umuuwi ako ng madaling araw, umuuwi akong hapô.
At sa mga oras na iyon, pwede ko nang ipikit ko ang mga mata ko –
sa mga panaginip lang ako susuko.
Dahan-dahan at buong pag-iingat,
ilalapag ko sa wakas ang mabigat kong bag.

*Para sa mga anak ng digma - pasensiya na kung ang mga nanay ninyo'y inuumaga


Happy Mother's Day!

* Palakpak kay Benrey Densing para sa artwork


Image hosted by Photobucket.com