Monday, February 27, 2006

Déjà vu

Post ni Kayuti sa egroup:

PROCLAMATION 1081
NOW, THEREFORE, I, FERDINAND E. MARCOS, President of the Philippines, by virtue of the powers vested upon me by Article VII, Section 10, Paragraph ('2) of the Constitution, do hereby place the entire Philippines as defined in Article I, Section 1 of the Constitution under martial law and, in my capacity as their commander-in-chief, do hereby command the armed forces of the Philippines, to maintain law and order throughout the Philippines, prevent or suppress all forms of lawless violence as well as any act of insurrection or rebellion and to enforce obedience to all the laws and decrees, orders and regulations promulgated by me personally or upon my direction.


PROCLAMATION 1017
NOW, THEREFORE, I Gloria Macapagal-Arroyo, President of the Republic of the Philippines and Commander-in-Chief of the Armed Forces of the Philippines, by virtue of the powers vested upon me by Section 18, Article 7 of the Philippine Constitution which states that: “ The President…whenever it becomes necessary,…may call out (the) armed forces to prevent or suppress…rebellion…, “ and in my capacity as their Commander-in-Chief, do hereby command the Armed Forces of the Philippines, to maintain law and order throughout the Philippines, prevent or suppress all forms of lawless violence as well any act of insurrection or rebellion and to enforce obedience to all the laws and to all decrees, orders and regulations promulgated by me personally or upon my direction; and as provided in Section 17, Article 12 of the Constitution do hereby declare a State of National Emergency.

Sunday, February 26, 2006

Mga Alipato

Isang araw, naramdaman ni Gloria na bilang na ang mga araw niya sa itinuturing niyang Paraiso. Kahit pa itinakwil na siya – nagsusumiksik pa rin dito. Sino nga namang hangal ang bibitiw na lang – samantalang “pinaghirapan” niyang makarating dito.

Aniya: “I am sorry. Pero ano ba’ng nirereklamo n’yo? Likha lamang ng dakila ninyong imahinasyon ang mga sinasabing ebidensiya ng pagkakasala. ‘Yung bawal na prutas? Wala akong pinitas. ‘Yung narinig ninyong tunog ng pagkagat ko sa malutong na balat nito? Wiretapping ka ha, iligal ‘yan. At ‘yung napulot ninyong nabubulok at inuuod na prutas sa lupa? Walang bulok dito, dahil ang Paraiso ay Paraiso ay Paraiso.”

Kaya’t nilibot ni Gloria ang Paraiso. Nakipagkamay sa kanyang mga nasasakupan. Ngumiti. Nanumbat, kung kinakailangan, tungkol sa mga bagay na kanyang “ibinigay.” Kumaway ng kumaway.

Pumunta siya sa mga lugar kung saan bitak-bitak sa pagkatigang ang lupa. Pero hindi niya ito alintana. Sagana sa tubig sa Gloria. Pumunta siya sa mga lugar kung saan ang mga bata’y namamatay sa gutom. Pero hindi niya ito alintana. Laging busog si Gloria. Pumunta siya sa mga lugar kung saan napakadilim. Pero hindi niya ito alintana. Hindi siya napuputulan ng kuryente. Pumunta siya sa mga lugar kung saan walang matirhan ang mga tao. Pero hindi niya ito alintana. Nakatira siya sa Palasyo.

Pumunta siya sa lugar, na kahit nasasakupan, ay hindi pala siya pwedeng makadaan. Wala na raw iyon sa kanyang kapangyarihan, sabi ng mapuputing mga sundalong wari niya’y mga anghel.

“This territory belongs to God,” sabi ng sundalo. “So beat the shit outta here.”

“Amen,” buong pagkukumbabang sabi ni Gloria.

Pumunta siya sa mga lugar kung saan ipinagutos niyang dukutin ang mga mata ng nakakakita, at gawing kilawin ang dila ng mga nangahas magsalita. Ito, inalintana ni Gloria. “Kulang sa timpla,” aniya, at nakisubo pa siya.

Ngunit hindi nagtagal ay dumating ang mga Tagapaghatol: Itinaboy nila si Gloria mula sa lugar na iyon, na hindi man Paraiso dahil hikahos at marahas, ay para talaga sa kanila.

“Impiyernong buhay ito,” usal ni Gloria.


Nilamon si Gloria at lahat ang buong uniberso ng kanyang panlilinlang, panlalapastangan, at pagpaslang, ng matatalim na dila ng apoy ng kasaysayan. Mula sa abo, mayroong bagong mundong iluluwal ang mga alipato. Iluluwal ng walang kamatayan, naglalagablab at ginintuang liyab mula sa ilanlibong sulo.

Stating the Obvious

Andaming kailangang isulat. Pero ‘di makafocus. Sinubukan ang isang writing exercise mula sa baul ng aking high school memories: ‘Controlled’ automatic writing. Isulat ang lahat ng nasa isip, walang hinto, walang edit – pero nakafocus sa isang porma at paksa hanggat kaya (Dito, “stating the facts” ang tema.). I-timer ang sarili, halimbawa 3 minuto. Dapat ba talagang i-blog ito. Hahaha ang chaka.


Gusto Mo Ba’ng Malaman ang Totoo?

Lima ang puso ng mga bulate.
Tao lang ang hayup na natutulog ng nakatihaya.
Bago umabot ng edad singkwenta,
ginugol mo ang higit limang taon ng buhay mo sa mga pila.
Biente kuwatro oras lang tumatagal ang buhay ng mga tutubi.
Biente kuwatro oras bukas ang Jollibee.
Ang buong mundo ay isang partikular na organismo.
Ang puso ay nasa bandang kaliwa ng iyong dibdib.
Binubuo ng pitumpung porsiyentong tubig ang daigdig.

Nanunuyot itong ating arkipelago.
Umaapaw ang tubig sa porselanang lababo.
Mayroon tayong pitong libo pitondaang mahigit na mga isla.
Natutunaw ang mga perlas sa suka.
Masarap sumisid.
Masarap ang sisig.
Binarikadahan ng alambre ang Mendiola.
Bawal nang magrali sa EDSA.

Minsan tumitingin ako ng hatinggabi sa kalangitan:
Nagniningning pa rin ang mga piraso ng kristal naming pag-iibigan.
Peke ang pangulong nasa palasyo.
Pero tumitikatik na ang orasan.
Huwad ang mga pinagpilitan lang.
Payaso, pangulo, palasyo, palaso.
Dibdib, daigdig, sisid, sisig.
Masarap ang kape kahit malamig.
Hindi ko matahi ang tulang ito.
Pero gusto ko lang naman malaman mo ang totoo.

Thursday, February 23, 2006

Kaset teyp, songhits, bayaning robot atbp.

Sawa ka na ba sa mga hassle sa buhay mo? Ayaw mo na bang mag-isip para sa sarili?
Tinatamad ka na bang bumiyahe?Ang gusto mo'y nakahiga na lang?Napapagod ka na ba sa kayayakap sa asawa mo?


Kaya naman para bang pinupuntirya rin ng Eraserheads ang sarili – na isang magandang bagay -- lalo na sa kantang ”Superproxy 2k6” ni Francism (at Ely Buendia) dahil sa pagkahumaling sa "artipisyal na aliw” na dala ng midya, lalo na sa mga bagong daluyan nito sa teknolohiya. Bukod sa makabuluhan, mahusay din ang bago at makabagong bersyong ”2k6” ng ”Superproxy.” Mula sa "Ligaya,” isinasalarawan nito kung gaano na kalayo ang saklaw ng paksa at interes ng Eraserheads sa paglipas ng panahon...

Matapos ang kung ilang pagtambay sa mga konsyerto, libu-libong yosi at kwatro kantos, pagkabaliw ng mga kaibigan, pagdating at paglaki ng mga anak, at mga pagbabago sa teknolohiya na hindi na masundan – tuloy pa rin ang pagrurok, paghupa, pagrurok ng eksena.

Nostalgia, ang pagtupok dito at iba pang tips - bisita lang sa www.rebyuhan.blogspot.com



Friday, February 17, 2006

Karma

Image hosting by Photobucket
AKO: Hindi ka nag-aaral, tsumatsamba ka lang sa exams mo. Ni hindi mo binubuklat notebooks mo kung 'di pa tayo magpipilitan. Wala ka man lang ka effort-effort! Ang yabang-yabang mo, kala mo lagi ka na lang makakalusot? Kala mo lagi mo nang madadaan mo sa tsamba grades mo? 'Yan na lang naman ang hinihiling ko sa iyo. Hindi mo man lang pantayan mga paghihirap ko sa 'yo. Dala-dalawa, tatlo-tatlo trabaho ko para lang buhayin ka. Ok lang naman sa kin 'yun pero sana naman tapatan mo rin 'yan ng pag-aaral mabuti. Pagod na 'ko, Anton! Alam mo 'yun! Grabe!

Nakayuko siya, nakakunot ang noo, pailing-iling minsan. Nang sabihin kong "pagod na ako," napatingin siya sa akin sa paraang feeling ko, punung-puno ng awa at pag-unawa.

Nang magsalita ang bugoy, me kahalong palatak, mukhang problemadong problemado't mangiyak-ngiyak pa.


SIYA: Kasi naman Dada, ba't nagkaanak kasi ka agad. 'Yan tuloy nahihirapan ka. Tsk, tsk, tsk.

Monday, February 13, 2006

Ang Bisita

Nakatanghod ang biyuda sa harap ng kabaong nang dumating isang dapithapon ang di-naimbitahang bisita. Dire-diretso itong tumuloy sa maliit na dampa: walang ni ha ni ho, walang pagbati ng magandang hapon o banayad na tango, hindi nagtanggal ng salakot o nagpagpag ng putikang sapatos, hindi man lamang sumaglit upang mag-antala ng krus. Dire-diretsong tila lapastangan o walang modo: huminto lamang sa harap ng biyuda, humalik ng marahan sa nakayuko nitong noo.

“Di kita inanyayahan o napaghandaan, gayunpama’y inaasahan ko ang iyong pagdaan,” anang biyuda, habang pinagsisilbihan ng kape ang bisita: sa maypingas na tasa, wala gatas, walang asukal, itim, madilim.

Kung sumagi man sa isip ng biyuda na ipagtabuyan ang bagong-dating, agad namang naiwaglit ang balak. Dahil kahit papaano’y pamilyar din naman sila sa isa’t isa. Ilang ulit na itong nakisalo sa aba nilang kusina o pumagitna sa tabi nilang mag-asawa sa kama. Nagkakilala na sila, noong walang tigil na sumuka ng dugo ang kanyang bunso, nagkita nang unang ibinalita ng asawa ang welga sa pabrika, nagkatabi sa isa ring burol tulad nito, wala pang isang buwan ang nakaraan, sila-sila rin ang nagkita-kita.

Sa gayo’y masasabing mabuti naman ang naging pagharap sa kanya ng biyuda: ginunita ang masasayang alaala sa piling ng asawa, inisa-isa kung sinu-sino ang nakiramay, dinetalye ang karumal-dumal na salaysay ng pagpaslang. Nang ideklara ng bisita ang pasyang doon na magpapalipas ng gabi ay walang pag-aatubiling inilabas ng biyuda ang isa pang kumot sa tabi ng kanyang ulunan. Bandang alas dos nang sila’y magtalik, ngunit matapos nito’y agad ring nagbihis ang biyuda, nagsuklay, nagwalis ng bahay.

“Makakaalis ka na,” sinabi niya sa nahihimbing na bisita sa kanyang kama.

Malayo pa ang bukang liwayway ngunit marami pa ang gawain. Mag-init ng tubig sa kalan. Maglinis ng bahay, paliguan ang mga bata, diligan ang mga tanim, asikasuhin ang libing, katayin ang nag-iisang manok na ititinola upang isilbi sa mga magsisidalo ng huling misa. Maya-maya pa sisikat ang araw ngunit alam niyang marami-rami rin ang iniwan ng kanyang asawa, oo’t naantala siya ng pansamantala ngunit ngayon - oras na.

Habang ginigilitan ang leeg ng manok at pinapanood ang dugo nitong tumutulo sa nabibitak na lupa, naisip niyang hindi ganito ang paraan upang mamatay, walang imik, tahimik, tila nagpapaumanhin pa sa abala.

Sa gilid ng kanyang mga mata’y nakita niyang humahakbang na ang bumisitang lumbay palabas ng kanyang bakuran, ngunit hindi,

hindi na niya ito hinatid pa ng tanaw.

Thursday, February 09, 2006


Image hosted by Photobucket.com