Monday, July 18, 2005

Kay Anton,
Na Kaya Nang Isulat Ang Kanyang Pangalan

Image hosted by Photobucket.com
guhit ni benrey densing

Kilala kita.
Hinding-hindi ka makukuntento sa papel.
Kahit dati pa, hindi mo na mapagkasya dito
Ang iginuhit mong mga dragon at araw at halimaw.
Ang sorbetes, si Calvin, ang tigre at ang buwan
Ay lumagpas na sa sofa.
Ang langit at ang aking mukha,
Umabot na sa puting pintuan ng ating inuupahan.

Pihadong lulubha na ang problema natin sa espasyo.
Lalo na ngayon – ngayong kaya mo nang isulat ang iyong pangalan.

Ay, anak.
Kailangan na talaga kitang ipakilala sa lansangan.
Ang aalalahanin nga lang natin ay ang
Init at alikabok, o kaya’y ang baha –
Baka umatake ang iyong hika.
Pero hindi bale, pwede naman tayong gumawa sa gabi.
Mas mabuti nga kung gabi! Wala masyadong makakakita.
Ang punto lang naman kasi -
Maipakita ko sa iyo ang mga pader.
Malalaki, tila walang hanggan, at nanggigitata:
Tamang-tama para sa iyong mga obra maestra.

Kaya’t ihanda mo na ang iyong mga kagamitan.
Ihanda mo lalo ang iyong sarili, marami kang matututunan.
Nakakakaba – pero huwag mo akong alalahanin.
Sa lansangan na, ayon nga sa iyong ninang, bugbog ang hangin sa kamao,
Unang mong sasaluhan ang pakikipaglaban.

Sigurado, masasaktan ka, masusugatan.
Marahil, darating pa nga ang panahong
Kakailanganin mong umalis at magpatuloy sa malayo.
Handa ka na ba?

Ako, handa na – dapat, handa na ako.
Dahil ako naman ang nagtangay sa iyo dito – hindi lang sa lansangan, kundi sa mundo:
Itinakda nang ang iyong tunay na pagkabuhay
Ang siyang maghahatid sa akin sa hukay.

Pero, sa ngayon, ngayong napag-aralan mo palang
Kung paanong isulat ang iyong pangalan,
Ito ang ating usapan:
Hindi ka pa pwedeng tumawid mag-isa.
Humawak ka sa aking kamay –
Limang taon ka pa lang, bata,
Ako pa rin ang iyong ina.


Image hosted by Photobucket.com