Sunday, April 17, 2005

Last Trip (o, Paano Bumiyahe Mag-isa)

If you don’t risk anything, you risk even more – so says your fairy godmother on your 16th birthday. So one fine morning you slip out of your bed and stood in the middle of a busy highway. Your eyes squeezed shut, your skin bleeding from the rough stones beneath your feet. E ano. Gusto mo. Ang kabog sa iyong dibdib, ang pagaspas ng hangin sa iyong balat, sa iyong buhok, at bigla, sa isang malaking fantastikong segundo, mabibitiwan mo ang puso mo, babagsak sa aspalto, mababasag sa milyong kristal na mga piraso.

Image hosted by Photobucket.com
Moving Sculpture. Manray, 1920


Lunes: Magsuot ng kagila-gilalas na pares ng hikaw.
Bumabagyo noon nang makita ko si Maya. Di ko agad nalaman ang dahilan kung bakit, pero inatake ako bigla ng déjà vu at nostalgia. ‘Yun pala naapektuhan lang ako ng suot niyang hikaw: pula’t berdeng porselana na hugis Christmas tree, na may kristal na mga bituin. Christmas tree sa gitna ng Agosto. Wala na raw sila ni B, dahil sa pananalita ng kanyang dating kasintahan, “Hindi na fun eh.” Naalala ko tuloy ‘yung opus ni Mike De Leon, ang “Aliwan Paradise,” pelikulang kung saan ang ekonomiya ng ‘Pinas ay nakabatay sa fun at entertainment. Lahat ng trabaho nakaugat sa aliw, kaya ‘yung mga guro halimbawa, ngumunguya ng bubog at kumakain ng apoy habang nagtuturo ng Math.

“Baha sa España,” sabi ni Maya at naalala ko, nabuo ang relasyon nila sa ilang ulit na paglalakad sa hanggang tuhod na baha sa Maynila.

Martes: Uminom na parang wala nang bukas.
Instinctive, dumiretso kami sa paboritong videoke naming sa kanto Katipunan. Eto ‘yung tipo ng makabagbag-damdaming mga beerhouse: ang klasikong native décor, Christmas lights, at mga weytres na nagbabakasakaling maging GRO pero walang nag-abala.

“Me pashok pah koh bukaaas,” sabi ni Maya, pero nagsimula na ang pasakalye ng “Material Girl” at nilamon na ng basag na ispiker ang kanyang pangungusap.

Miyerkules: Mamayagpag sa trabaho.
Kinabukasan, walang palyang hindi ako na-late sa 8 a.m. kong pasok sa opisina. Nagtext si Maya - mabuhey ang mga responsableng delingkwente! Nahabol din pala niya ang report niya para sa alas-11 niyang klase. Sa susunod pang mga araw, natapos ni Maya ang pang-dalawang linggong trabaho para sa magasin na kanyang ine-edit. Naka-raket pa siya du’n sa mga batang Atenista na tinu-tutor niya sa English. At! Natulungan niya ang nanay niyang mabenta ang lahat ng ginawa nitong homemade longganisa.

Huwebes: Maglingkod sa bayan.
“Ikaw ang tinik sa aking dibdib, ang bara sa aking lalamunan, ang bad vibes, ang aking karma!” sigaw ni Maya – hindi kay B, kundi sa estado. Nagkita kami sa Mabuhay Rotonda, kung saan ginanap ang isang rali bilang protesta sa magkakasunod na pagpaslang sa mga miyembro ng media.

Biyernes: Maglaba.
Ang puting mga kobrekama, kumot at punda. Ang mga tuwalya, panty at bra. Ang puting kamiseta. Ang paboritong blusa ng Nanay niya. Ang pormal na polo ng Tatay niya, ang uniporme ng mga kapatid niya. At ang yarda-yardang mga kurtina sa bahay. Naging maputing-maputi ang buong bahay, naging makintab at mabango at parang bago, at maganda, at matatag, at hindi nasusugatan.

Sabado: Wala.
Tumanga, tumitig sa kawalan, tumunganga. Magkaroon ng puwang. Dahil sa blangko iniluluwal ang mga kasagutan.

Linggo: Magtirik ng kandila.
Sa gitna ng komunyon, umulan nang umulan. Nagtirik si Maya ng kandila sa harap ni Sta. Cecilia, ang patron ng mga bagay na nawawala.

“Tulungan ninyo po akong matagpuan ang aking kaliwanagan,” dasal ni Maya.

Pag-uwi, para siyang prinsesa sa nobela, naglalakad habang inilililis ang nabasa nang laylayan ng kanyang pantalon. Umuulan, at naglalakad si Maya sa lungsod sa ilalim ng maybutas na umbrella. Sa kanto ng Lerma at España, biglang tumaas ang tubig sa mga pusali. Nilusong ni Maya ang baha. Lumakad siya nang lumakad sa kahabaan ng España, butas ang payong, tumataas ang baha, walang kahawak kundi ang sariling mga kamay. Mag-isa, at tumataas ang tubig, malamig. Sa tingin ni Maya, underwater ang buong Maynila. ‘Pag titingnan niya ang lungsod, sa sobrang basa, parang may luha ang kanyang mga mata. Pero malinaw, sa loob-loob ni Maya, ang linaw-linaw.

--- Huling artik na sinulat ko bilang sex columnist ng now-defunct X Magazine.


Image hosted by Photobucket.com