Thursday, December 23, 2004

Walang Tulog

Binubuo ang Barangka
Ng sala-salabat na mga eskinita.
Ngayong gabi, tinuhog ko itong isa-isa.

Sa dulo ng Sitao, natatanaw ko si Pato.
Kanina pa naghihintay
Pero tila nagulat pa rin sa ‘king pagdating.
Napigtas ang pudpod niyang tsinelas.
Nasanggi ang palaspas
Na nakasabit sa kahoy nilang pintuan.
Napakaingay ng tunog
Ng malutong nitong mga dahon,
Nadurog sa aking paanan.

Piso lang, sabi ko.
Sabay abot ng sandaan.
Nakangisi niya akong pinatuloy.
Kulob ang hangin dito,
Nakakulong sa maylamat na baso.

Sa isang bangko sa me banyo
Natutulog ang tatay ni Pato.
Sa pagbilang ko ng tatlo
Isinasabay ko ang aming paghinga:
Hithit, buga.
May umaalog sa kanyang baga.

At ‘yung bato –
Lasang tinta
Lasang kalawang
Lasang mapait na alaala.

Paglabas,
Nakakakaba ang napakaraming ilaw sa kalsada.
Nakapila ang mga trak ng basura
Mga pekeng kalabaw sa pampang.
Isang bilbord: magkaka-SM na sa Marikina.

* Mababasa rin sa
Ang Aklat Likhaan ng Tula at Kwento 2000
(Mga Patnugot) Joi Barrios at Rolando Tolentino
Ikalabing-dalawang tomo sa serye, Ang Aklat Likhaan ng Tula at Maikling Kuwento 2000 ay naglalaman ng 40 tulang nagbabalik tanaw sa kasaysayan at “nagsisilbing dokumento ng kasalukuyang panahon” at 20 maikling kuwento namang may politikang nais ipalawig at may angking “inobasyon sa paggamit ng kumbensyon sa pagkukuwento.” Lahat ng napiling akda ay hinirang na pinakamahusay at nabigyang parangal sa taong 2000. Ito ay kabilang sa taunang proyekto ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing. Ang pagbuo ng koleksyong ito ay napasailalim sa masusing pagsasaliksik at pagsasaayos ng mga kilala’t pinagpipitagang manunulat, iskolar at kritiko na miyembro rin ng pakuldad ng UP Departamento ng Filipino, na sina Joi Barrios at Rolando Tolentino.

Tuesday, December 21, 2004

Anak ng Digma

Sa mga pagkakataong ganito ako nakakapagsulat: alas-tres ng hapon, bakasyon. Tulog ang makulit, himbing na himbing na nanunungkit ng panaginip. Tahimik ang kabahayan. Pero maingay na palengke ang aking isipan, nakikipagtawaran. Minsan, itinatabi ko ang kanan kong tenga sa payapang ritmo ng kanyang puso. Sa mga pagkakataong ganito, hindi niya alam, nagpapalit kami ng pangalan. Siya ang nagiging ina na kukupkop sa akin sa kanyang dibdib; ako ang sanggol na magsusumiksik sa tabi niya, pinapatahan ang hagulgol ng aking kaluluwa.

Tatlong taon ko rin siyang pinasuso sa akin. Mahirap na, naisip ko, panahon ngayon ng digma, kailangang maging sigurista: lahat ng nutrisyong kailangan niya, lahat ng pagbibigkis na kailangan ko. Pinasuso ko siya ng pinasuso – dahil pinahiram lang siya sa akin ng uniberso, dahil iniluwal ko siya gayong malupit ang panahon, dahil batbat ang lipunan ng kontradiksyon.

Pinangalanan ko siyang A –unang letra ng alpabeto, simula ng magagandang mga bagay; paumanhin sa aking idealismo. Dalawang taong gulang pa lang siya ay notoryus na sa obsesyon niya sa pagdo-drawing, sa kanyang kakulitan, at sa hilig sa maiingay na mga tugtugan. Ibang klaseng kaluluwa si A, halos malusaw na ang pagkatao ko dahil sa kanya, at minsan kapag tinititigan ko siya sa mata, kinokompronta ako ang pag-ibig niya sa aking walang kasintindi at walang kasintalas na halos malagutan na ako ng hininga.

At ngayong limang taong gulang na siya, maraming nakakita bilang kakatwa: aabutan na niya ako sa school. Kaya naman nitong nakaraang mga linggo, naging abala kami ni E, ng kanyang ama, sa pag-ayos ng mga dokumentong kailangan para sa aplikasyon niya sa kindergarten. Hindi naman talaga dapat ganun kadugo ng aplikasyon (1) kung hindi ganun kakaunti ang tinatanggap na estudyante para sa paaralang iyon; (2) kung hindi pribilehiyo – imbes na karapatan - ang de-kalidad at pampublikong edukasyon; (3) kung may sapat na subsidyong inilalaan ang pamahalaan para sa responsibilidad niyang pag-aralin ang kabataan; (4) kung hindi ilalagak ang pinakamalaking bulto ng badyet para sa militar at intelligence; (5) kung hindi nangingikil ng suporta ang US sa kanyang gyera ng agresyon at sa pagsugpo sa itinuturing na mga terorista.

Isi lang, sasabihin sa akin ni E, sabay abot ng ganja. Pero alam naman naming may mga bagay talagang hindi magiging madali. Dahil may anak ako at panahon ng digma, mas malaki ang nakataya. Minsan, nag-iiba ako ng pangalan. Minsan, hinuhubog ang aking pagiging ina hindi lamang sa aking paglikha, kundi pati sa pagkitil ko ng walang awa.

Magigising si A. Sa telebisyon, ibinabalita ang pagbomba sa Kuwait. Gagawa kami ng mga eroplanong papel. Papaliparin namin ang eroplano sa labas ng bintana, at magla-landing ito sa bubungang lata ng kapitbahay. Takot ka ba sa gyera, itatanong niya, nakakunot ang noo. At magsisimula akong magkwento.


* kina E at A, na nahihimbing sa magkabilaan ng aking dibdib
*Unang nilathala sa Philippine Collegian, Agosto 2003

Monday, December 20, 2004

Paumanhin

Nahihirapan lang talaga akong magsulat ngayon.

Ang maselan kong panulaan,

Gusto kong pahiran ng tinaihang lampin

Ang nagnanana niyang sugat,

Ang nabubulok niyang sugat.


Di niya matiis ang amoy kong panis na gatas.

Naririndi siya sa uha.

Napakarami kong dala, gustong magpakarga.

Sa pagitan ng pagdudurog ng karot at patatas,

Nagpapapansin siya.


Kinikiliti niya ako, sinasayawan,

Nagmamaktol, iniiyakan.


Magbigti ka na, pakiusap ko.

Nagnanaknak na ang sugat mo.


Ang totoo’y matagal ko na siyang pinagtangkaan.

Tinabunan ko ng unan.

Sinakal.

Sinaksak ng punyal.


Ngunit nagpabalik-balik na siya sa aking sinapupunan.

Iniluwal ko na siya ng paulit-ulit.


Nanikit na ang kanyang dugo sa aking singit.

Friday, December 10, 2004

80s forever!90s not dead!

1. Paborito mong panoorin ang Shaider, Bio-man, Maskman, Mask Rider Black, Machine Man at kung ano-anong TV sitcom ng Japan na isinalin sa Tagalog. Break muna sa mga laro kapag alas singko na ng hapon tuwing Sabado dahil panahon na para sa superhero marathon.

2. Alam mo ang jingle ng Nano-Nano. (isang kending lasang champoy)

3. Nanood ka ng Takeshi’s Castle at naniwala kang si Anjo Yllana talaga si Takeshi at si Smokey Manaloto ang kanyang alalay. (Pinagiisipan mo – pano sila lumalaban sa final challenge na parang nakasakay sila sa isang bumpcar at nagbabarilan sila gamit ang water gun gayong sa Japan ginagawa yun eh taga Pilipinas sila?)

4. Alam mo ang pa-contest ng Kool 106 na uulit-ulitin mong bigkasin ang “Kool 106, Kool 106” hanggang maubusan ka ng hininga.

5. Naglaro ka ng Shake-Shake Shampoo, Monkey-Monkey-Annabelle, prikidam 123, Langit-Lupa-Impyerno, Syato, Luksong-Tinik, Luksong-Baka, 10-20 at kung ano-ano pang larong nakakapagod.

6. Pumunta ang mga taga- MILO sa skul niyo at namigay sila ng samples na nakalagay sa plastic cup na kasing laki nung sa maliit na ice cream. (at nagtaka ka, bakit hindi ganito ang lasa ng MILO kapag tinitimpla ko sa bahay namin?)

7. May malaking away ang mga METAL (mga punks na naka itim) at mga HIPHOP (mga taong naka maluwang na puruntong na kahit makita na ang dalawang bundok.) Nag-aabangan sa mall na may dalang baseball bat at kung anu-ano pang mga sandata. Sikat ang kasabihang “PUNKS NOT DEAD!” pero kung gusto mong mag play safe, pwede mong tawagin ang sarili mong HIPTAL.

8. Alam mo ang universal uwian song na “Uwian na!” na kinakanta sa tono na parang doon sa kinakasal.

9. Nagpauto ka sa Batibot pero hindi sa ATBP.

10. Nakipag-away ka para makapaglaro ng brick game. (hi-tech na yun noon)

11. Ang “text” noon ay mga 1”x1.5” na karton na may mga drawing ng pelikulang Pinoy. (at may dialog pa!)

12. Dalawa lang ang todong sumikat na wresler, si Hulk Hogan at si Ultimate Warrior. Naniwala ka rin na namatay si Ultimate Warrior nang buhatin niya si Andre d’ Giant dahil pumutok ang mga ugat niya sa muscle.

13. Nagsayaw ka ng running man at kung anu-anong dance steps na nakapagpamukha sa’yong tanga sa saliw na kantang Ice Ice Baby, Wiggle It, Pray at Can’t Touch This.

14. Hindi ka gaanong mahilig sa That’s Entertainment at pinapanood mo lang ito tuwing Sabado kung saan nagpapagandahan ng production numbers ang Monday hanggang Friday group. (at badtrip ka sa Wednesday group dahil pinakabaduy lagi ang performance nila!)

15. Napaligaya ka ng maraming pinoy bands tulad ng Yano, Rivermaya, Grin Department, Tropical Depression, The Teeth, The Youth, After Image, Orient Pearl, The Dawn, Alamid, Wolfgang, at ang sikat na sikat na Eraserheads. (at aminin mong nakinig ka ng Siakol!)

16. Kilala mo ang Smokey Mountain, (first and second generation)

17. Hindi pa uso noon ang sapatos na may gulong. Noon, astig ka kapag umiilaw ang swelas ng sapatos mo tuwing ia-apak mo ito. Tinawag rin itong “Mighty Kid”

19. Kung babae ka naman, ang mga laro mo with your girlfriends ay luto-lutuan, bahay-bahayan, doktor-doktoran, at kung anu-ano pang pagkukunwari . Ang dakilang manika mo ay si Barbie. (Sikat ka kung meron kang bahay, kotse at kabaong ni Barbie.)

20. Naniwala kang original ang isang cap kapag may walong tahi sa visor nito.

21. Swerte ka kapag panghapon ka dahil masusubaybayan mo ang mga kapanapanabik na kaganapan sa mga paborito mong cartoon shows tuwing umaga tulad ng Cedie, Sarah, at Dog of Landers a.k.a. Nelo. (Hindi ka ba nagtataka na sa lahat ng mga bida sa cartoons na ito, si Nelo lang ang di yumaman at namatay pa ng maaga)

22. Alam mo ang ibig sabihin ng “TIME FIRST!”

Tuesday, December 07, 2004

panahon


persistence of memory, 1931, ni salvador dali. namputsang nakaka-depress ang artwork na 'to.


Image hosted by Photobucket.com